unfoldingWord 32 - Pinagaling ni Jesus ang Sinapian at ang Babaeng may Sakit
Outline: Matthew 8:28-34; 9:20-22; Mark 5; Luke 8:26-48
Script Number: 1232
Language: Tagalog
Audience: General
Genre: Bible Stories & Teac
Purpose: Evangelism; Teaching
Bible Quotation: Paraphrase
Status: Approved
Scripts are basic guidelines for translation and recording into other languages. They should be adapted as necessary to make them understandable and relevant for each different culture and language. Some terms and concepts used may need more explanation or even be replaced or omitted completely.
Script Text
Isang araw si Jesus at ang mga alagad niya ay sumakay ng bangka at tumawid sa kabilang pampang papunta sa lugar kung saan nakatira ang mga taga-Gadarene.
Pagdating nila sa kabilang pampang, may lalaking sinapian ng demonyo ang tumakbo palapit kay Jesus.
Napakalakas ng taong ito at wala ni isa man ang makapigil sa kanya. Kahit ikinadena na ng mga tao ang mga kamay at paa niya palagi niyang nasisira ang mga ito dahil sa lakas niya.
Nakatira malapit sa libingan ang taong ito at buong maghapon at buong magdamag siyang sumisigaw. Wala siyang suot na damit at madalas niyang hinihiwa ang sarili niya gamit ang bato.
Nang makalapit siya sa harapan ni Jesus, lumuhod siya. Sinabi ni Jesus sa demonyo, “Lumayas ka sa taong ito!”
Sumigaw ng napakalakas ang lalaki at sinabing “Ano bang gusto mo sa akin Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Pakiusap wag mo akong pahirapan!” Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot ang demonyo “Ako si Lehiyon, dahil marami kami.” (Lehiyon ang tawag sa libo-libong pulutong ng mga sundalong Romano.)
Nagmakaawa ang mga demonyo kay Jesus, “Pakiusap huwag mo kaming palabasin sa bayan na ito!” Nagkataon namang sa di kalayuan ay may mga baboy na kumakain malapit sa burol kaya nakiusap ang mga demonyo kay Jesus at sinabing, “Payagan mo kaming sumanib na lang sa mga baboy!” Inutusan sila ni Jesus, “Sige, Sumanib kayo!”
Lumabas ang mga demonyo sa lalaki at sumanib nga sila sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy sa bangin hanggang sa nahulog sila sa lawa at nalunod. Ang mga baboy na iyon ay umabot sa 2,000.
Nakita ng mga tagapag-alaga ng baboy ang mga pangyayari kaya nagtakbuhan sila papunta sa bayan. Ibinalita nila lahat ng ginawa ni Jesus sa lahat ng mga taong nasalubong nila. Pagdating ng mga tao galing sa bayan nakita nila ang lalaking sinapian ng demonyo. Tahimik na siya at nakaupo, may suot na rin siyang damit at matino na rin ang mga kilos niya.
Takot na takot ang mga tao roon dahil sa ginawa ni Jesus kaya nakiusap sila kay Jesus na umalis na roon. Nakasakay na sa bangka si Jesus at handa nang umalis pero nakiusap ang lalaking sinapian ng demonyo na sumama sa kanya.
Pero hindi pumayag si Jesus at sinabing “Huwag ka na lang sumama. Gusto kong umuwi ka na lang at ibalita mo sa pamilya at mga kaibigan mo ang ginawa ng Diyos sa iyo at kung paano siya nagpakita ng habag.”
Kaya umuwi nga ang lalaki at ikinuwento niya sa lahat ng tao kung paano siya kinahabagan ni Jesus. Lahat ng nakarinig sa kwento ay talagang namangha.
Bumalik sila Jesus sa kabilang pampang ng lawa at pagdating nila doon sumalubong sa kanila ang napakaraming tao. Nagsiksikan sila at pinalibutan si Jesus. Kabilang sa mga taong nakikipagsiksikan doon ay ang babaeng labindalawang taon na walang tigil na dinudugo at naubos na lahat ng pera niya sa kakapagamot sa doktor para gumaling pero sa halip lumala pa ang sakit niya.
Nabalitaan niya na marami ng may sakit ang pinagaling ni Jesus kaya nasabi niya sa isip niya, “Siguradong gagaling ako kahit mahipo ko man lang ang laylayan ng damit ni Jesus.” Kaya pumunta siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang damit niya. Pagkahawak niya sa damit kaagad na huminto ang pagdurugo niya.
Agad naramdaman ni Jesus na may napagaling ang kapangyarihan niya kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot naman ang mga alagad niya at sinabi nilang, “Napakaraming taong nakapalibot at sumisiksik sa inyo, bakit niyo tinatanong sa amin kung sino ang humipo sa inyo?”
Pagkarinig ng babae sa sinabi ni Jesus, nanginig siya sa takot at agad siyang lumuhod sa harapan ni Jesus at inamin niya ang ginawa niya at kung paano siya gumaling. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Makakauwi ka na ng payapa.”