unfoldingWord 13 - Ang Kasunduan ng Diyos at ng mga Israelita
Esquema: Exodus 19-34
Número de guión: 1213
Lugar: Tagalog
Audiencia: General
Tipo: Bible Stories & Teac
Propósito: Evangelism; Teaching
Citación Biblica: Paraphrase
Estado: Approved
Los guiones son pautas básicas para la traducción y grabación a otros idiomas. Deben adaptarse según sea necesario para que sean comprendidas y relevantes para cada cultura e idioma diferentes. Algunos términos y conceptos utilizados pueden necesitar más explicación o incluso ser reemplazados o omitidos por completo.
Guión de texto
Pagkatapos samahan ng Diyos ang mga Israelita sa pagtawid sa Dagat na Pula, ginabayan niya ang mga ito sa paglalakbay sa ilang papunta sa Bundok ng Sinai. Sa bundok ding ito nakita ni Moses ang mababang punong kahoy na nagliliyab. Nagtayo ng tolda ang mga Israelita sa paanan ng bundok.
Sinabi ng Diyos kay Moses at sa mga Israelita, “Kung susundin niyo ako at tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyo, kayo ay lubos at higit kong pahahalagahan. Kayo ay magiging kaharian ng mga pari. Kayo ay magiging banal na bansa.”
Pagkalipas ng tatlong araw, pagkatapos ihanda ng mga tao ang mga sarili nila sa pagdating ng Diyos, bumaba ang Diyos sa ibabaw ng Bundok ng Sinai. May kasamang kulog, kidlat, usok at malakas na tunog ng trumpeta sa pagbaba niya. Si Moses lang ang pinayagan ng Diyos na umakyat sa bundok.
Gumawa ng isang kasunduan ang Diyos sa mga Israelita. Sinabi niya, “Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa pagkakaalipin mula sa Egypt. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos.”
“Huwag kayong gagawa ng mga rebulto para sambahin dahil ako, si Yahweh ay mapanibughong Diyos. Huwag niyong banggitin ang pangalan ko ng walang paggalang at sa mga bagay na walang kabuluhan. Dapat niyong ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga. Gawin niyo lahat ng trabaho niyo sa loob ng anim na araw at sa ikapitong araw, magpahinga kayo at sambahin niyo ako.”
“Igalang niyo ang inyong ama at ina.Huwag kayong papatay, mangangalunya, magnanakaw at magsisinungaling. Huwag mong nasaing mapasayo ang asawa ng kapwa mo, maging ang bahay niya o lahat ng pag-aari niya.”
Isinulat ng Diyos ang mga utos na ito sa dalawang tipak ng bato at ibinigay kay Moses at may iba pang mga utos na ibinigay ang Diyos para sundin ng mga Israelita. Kapag sinunod ng mga tao ang mga utos na ito, ipinangako ng Diyos na pagpapalain sila at iingatan. Kapag hindi naman nila ito sinunod, paparusahan sila ng Diyos.
Nagbigay din ang Diyos ng saktong paglalarawan ng isang tolda na gusto niyang ipagawa sa kanila. Tinawag nila itong Tolda ng Pagpupulong. Mayroong dalawang malaking kwarto ang tolda dahil hinahati ito ng isang malaking kurtina. Walang pwedeng pumasok sa kwarto sa likod ng kurtina maliban sa pinakapunong pari dahil doon bumababa ang presensya ng Diyos.
Kailangang maghandog ng hayop ang sinumang susuway sa utos ng Diyos. Kakatayin ng pari ang hayop at susunugin ito sa altar. Ang dugo ng inihandog na hayop ang magtatakip sa kasalanan ng tao at maglilinis sa kanya sa harapan ng Diyos. Pinili ng Diyos si Aaron, ang kapatid ni Moses at ang mga anak nito para sila ang maging pari.
Nagkasundo ang mga Israelita na susundin nila ang mga utos ng Diyos. Ang Diyos lang ang sasambahin nila at sila naman ay magiging natatanging bayan ng Diyos. Pero hindi nagtagal pagkatapos nilang mangako, sumuway sila at nagkaroon ng matinding pagkakasala sa Diyos.
Ilang araw din kasing nasa bundok si Moses at nakikipag-usap sa Diyos. Nainip ang mga tao sa paghihintay kaya nagdala sila ng mga ginto kay Aaron at nagpagawa sila ng isang rebulto para sambahin nila.
Gumawa nga si Aaron ng isang gintong rebulto na kahugis ng isang maliit na baka. Sinamba ng mga Israelita sa kasuklam-suklam na paraan ang rebulto at naghandog sila dito. Nagalit ang Diyos sa ginawa nilang kasalanan at binalak niyang patayin ang lahat ng mga Israelita pero nanalangin si Moses para sa kanila. Dahil dito, pinakinggan siya at hindi itinuloy ng Diyos ang pagpatay sa kanila.
Pagbaba ni Moses mula sa bundok, nakita niya ang rebulto. Galit na galit siya kaya naibagsak niya ang mga tipak ng bato na kinasusulatan ng sampung utos ng Diyos.
Pagkatapos, dinurog ni Moses ang rebulto hanggang napulbos. Itinapon niya ito sa tubig at ipinainom sa mga tao ang tubig. Nagbigay ang Diyos ng salot at dahil dito ay marami sa kanila ang namatay.
Gumawa ulit si Moses ng bagong tipak ng bato para sa sampung kautusan para mapalitan ang unang tipak ng batong nasira. Umakyat ulit siya sa may bundok at idinasal niyang patawarin nawa ng Diyos ang mga tao. Pinakinggan naman ng Diyos ang panalangin ni Moses at pinatawad niya ang mga Israelita. Bumaba si Moses dala ang dalawang bagong tipak ng bato na kinasusulatan ng sampung utos. Pagkatapos noon, ginabayan na sila ng Diyos mula sa Bundok ng Sinai papunta sa Lupang Pangako.